Tulala at walang imik nanaman si Jay sa harap ng kanyang computer habang pauliit-ulit lang na binabasa ang mga post sa social networking site. Isang tipikal na araw sa bahay na kung hindi nagkukulong at napupunta sa kawalan ay magdamag nanamang nakatulala sa computer. Magtatrabaho sa harap ng computer, maglilibang sa harap ng computer, tatamarin sa harap ng computer. Umikot na ang buhay sa harap ng computer.
Ang taong takot sa kasiyahan, yan si Jay. Iniisip niyang tuwing may kasiyahang nagaganap ay may kasunod itong kamalasan.
"Alis ka muna dyan, baka maingayan ka." Sabi ng kanyang inang nagpapahiwatig na mamaya-maya ay may inumang magaganap sa loob ng bahay nila.
Halos araw-araw na lasing ang ama ni Jay habang ang kanyang ina naman ay kung hindi nagluluto o gumagawa ng gawaing bahay ay naglalaro sa tablet niya.
Sawang-sawa na si Jay sa amoy ng alak at ingay ng karaoke sa bahay. Idagdag pa ang mga mura at tunog ng mga nagsasalpukang gamit kapag masama ang tama ng kanyang ama. "PUTANG INA NIYO!", buong gabi niyang pagtitiisan ang mga murang paulit-ulit niyang maririnig kasunod pa ng pagdura sa sahig at halos pagkasira ng mga gamit. Kinabukasan naman ay magrereklamo dahil sa sakit ng katawan dahil nalamigan at kasama ng sisi na hindi man lamang daw nilatagan ang sahig na hinihigaan.
Ilang linggo na rin bago ang huling insidente ng pagkalasing ng kanyang ina. Tuwing nagkakainuman ang mga nagpapakadalaga ay asahan ang matinding sayawan at samaan. Mga linyang "Di pa ako lasing" at "Nanay mo ko, wag mo akong sinusuway." Inaya ng mga "kaibigan" kaya sumama naman ang kanyang ina sa bahay ng kapitbahay upang mag-inuman at magkaroon ng kaunting kasiyahan.
"Ikaw, wag mo ilalagay ang alak sa ulo. Dapat yun sa tiyan!", naalala ni Jay laging paalala ng ina kahit na bihira na siya uminom ng alak.
"Yung nanay mo pigilan mo! Nagwawala na dun!" laking gulat ni Jay nang may sumigaw mula sa gate habang nagko-computer siya.
"Shit" bulong ni Jay sabay takbo para kumuha ng damit at pumunta sa kapitbahay. "Anong nangyayari?"
"Wala, ok lang naman mama mo." Sabi ng isa sa mga kaibigan ng kanyang ina.
"O, bat ka andito?" Tanong ng kanyang ina.
"Nagwawala ka na daw eh" sagot ni Jay.
"Ha? Wala lang naman eh, di ako lasing"
"Oo, di yan lasing." Sabat ng kaibigan ng ina niya.
Bumalik na lang si Jay sa harap ng computer at pinagpatuloy ang ginagawa. "PUTANG INA MO ANG LAKAS NG LOOB MO WALA KA SA PAMAMAHAY MO!" buong galit na sigaw ng kapitbahay.
"Puta" bulong ni Jay sabay suntok sa pader. "ANO BANG NANGYAYARI DITO?"
"Di ko papatulan yang mga yan!" Sabay halakhak ng ina. "May pinag-aralan ako."
Nalito si Jay sa mga nangyayari. Hindi niya maintindihan kung bakit nagkakaganoon ang lahat. Maya-maya pa ay nalaman niyang nahalungkat nanaman ang nakaraan.
"Tara na ma, uwi na tayo"
"Bakit ako uuwi? Nagkakasiyahan pa kami rito!" Sabay tawa uli.
Kinabahan si Jay. "Tara na!"
"Aba sinisigawan mo ko?"
"Kami bahala sa mama mo" sabi ng mga kaibigan ng kanyang ina.
"Pauwiin niyo na yan" sambit ni Jay habang nangangatog na
"Wag kang makulit!" taboy ng kanyang ina.
"PUTANG INA MO! LUMABAS KA DIYAN!" Di pa rin tumitigil ang kapitbahay.
"Wag nyong hintaying.. Papatay ako ng tao.." Bulong ni Jay sa mga kaibigan ng ina habang pabalik ng bahay upang humingi ng tulong sa ama.
"PAG MAY NASAKTAN LANG, PAPATAYIN KO KAYO!" sigaw mula ng ama ni Jay mula sa kanilang bahay. Nanahimik ang lahat habang sabay na naglakad ang mag-ama papunta sa kapitbahay para sunduin ang ina.
Ayaw magpapigil sa pag-iinom at ayaw umuwi ng ina kaya minarapat na lang na kaladkarin ng mag-ama ang lasing na lasing na ina. Natakot si Jay sa mata ng kanyang ina. Iba. Hindi to normal.
"KINAKAMPIHAN NYO YUNG MGA PUTANG YON!" Humahagulgol na iyak at sigaw ng ina.
"MANAHIMIK KA! ANO BANG PROBLEMA MO?" Sigaw ng ama.
"IKAW ANG PROBLEMA KO! DI KO PINANGARAP ANG GANITONG BUHAY! DI KO PINANGARAP ANG GANYANG ASAWA!"
Napasuntok na lang ng ilang ulit si Jay habang tumululo na ang luha. Wala siyang magawa.
"Patayin niyo na ako, patayin niyo na ako. Gusto ko nang mamatay.." paulit-ulit na sinasambit ng kanyang ina.
Walang magawa si Jay kundi tumakbo sa likod ng bahay at yakapin ang aso. Ilang ulit niyang sinuntok ang pader habang umiiyak. "Anong ayaw niya sa buhay na to? Di na kailangang kumayod, puro tablet na lang at madali lang ang gawaing bahay. Ano pang problema nun?" Tanong ni Jay sa kanyang alagang aso.
"Dapat sinusuntok na ni papa yun para manahimik eh." Biglang sambit ng kapatid na babae ni Jay na biglang sumulpot mula sa kung saan.
Nanatiling umiiyak ang binata. Hindi niya matanggap ang dinaranas ng ama. Hindi niya matanggap na iba ang nakilala niyang ina sa buong buhay niya.
Makalipas ang ilang sigawan at napagod rin sa kakaiyak ang kanyang ina at nakatulog.
"Iba tama ng mama mo." Buong kalmang sambit ng ama niya. "Hindi ba nadroga yun?"
"Tatlong boteng Alfonso, tatamaan ba si mama dun?"
"Ilan ba sila dun?"
"Anim."
"Hindi yan. Baka Nadroga nga."
"Hindi ba dapat pati yun mga kainuman?"
"Depende eh, kung sa sabo lang. Basta, iba tama ng mama mo. Nakita mo yung mata?"
"Opo. Baka naman natuluyan na si mama?"
"Ha?"
"Kasi alam niyo yun, lahat ng pinsan kong panganay na lalaki, may sira. Ako lang wala."
Natahimik ang ama ni Jay.
Sa huli, napagdesisyunang pagbakasyunin muna ang ina sa kamag-anak sa probinsya ng ilang linggo.
Ang sakit para kay Jay alalahanin kung anong uri ng pamilya ang humubog sa kanilang magkakapatid. Kaya di hamak na gustong-gusto ng mga kapatid ni Jay na makapagtapos siya ng pag-aaral at magkapagtrabaho na para makalipat na ng bahay. Mahal ng tatlo ang kanilang magulang pero hindi nila matiis ang alak. Kaya walang umiinom o nalalasing sa magkakapatid.
Kinabukasan sa klase, nakaupo nanaman sa isang sulok si Jay, tulala, mukhang lutang, at ang mata'y may kakaibang kombinasyon ng pagkamulat at pagkapikit.
"Dark times.."
"buti talaga di nadudurog kamao mo nun no?"
"Mabilis gumaling mga sira sa katawan ko."
"di ka pa diabetic? HAHA"
"Asa. ayos pa ako."
"so, totoo yung sinabi mo nun? pati ni papa?"
"Alin?"
"yung papatay ka. HAHAHA"
"Pag may nasaktan nga, baka wala na akong makilala."
"yan ang gusto ko sayo. walang puso"
"Wag kang magulo, ka-chat ko crush ko."
"sige, pakasaya ka. HAHAHA"
No comments:
Post a Comment