Simula nung umatake yung mga lamok noong bakasyon, doon na uli ako sa maliit na kwarto natutulog. Maliit, kulob, at walang ilaw (walang bumbilya). Halos sakto lang sa katawan ko ang laki ng kwarto tuwing nakahiga ako sa sahig na may sapin na foam. May mga kabinet kung saan nakatabi ang mga gamit ko, may electric fan, at may salamin sa kwarto. Nagsilbing damitan o bihisan ko lang ang kwartong to. Dahil sa liit ng kwartong iyon, binansagan ko na itong "kahon".
Isang munting kwarto kung saan ako nakakapagpahinga at makakatulog ng mahimbing dahil hindi man lang nasisinagan ng araw ang kwartong iyon. Hindi ka mapipilitang bumangon dahil walang bintanang magpapapasok sa sinag ng araw. Hindi ko nga malalaman na umaga na kung hindi pa ako titingin sa aking cellphone para sa oras. sa kwartong iyon ko rin nagagawa ang mga bagay na maaari ko lang gawin kapag walang nakakakita sa akin. mga gawaing di ko gugustuhin makita ng ibang tao. mga pribadong gawain.
Masasabi kong mahiwaga ang kwartong iyon dahil, yun nga, maraming hiwaga ang nagaganap doon. Sa totoo lang, sa kwartong iyon lang lumalabas ang tunay na ako. ang ako na hindi ko gustong makita ng maraming tao. sabihin na nating yung akong maihahalintulad natin sa isang mabangis na hayop. Pero minsan yung ako rin na tila ba maamong tupa. Dahil nga walang nakakakita sa akin doon sa kahon, nailalabas ko lahat ng emosyon ko. Nailalabas ko ang lahat ng lungkot at kabiguan ko. nailalabas ko ang lahat ng galit at sama ng loob ko. sa kahon ko tuluyang nakilala ang aking sarili pati ang ilang piling "kaibigan".
Aksidente lang ang unang naisama ko sa kahon. Nagpainom dahil walang tao sa bahay. Tulad nga ng sabi ng ilan, mahina ang babae sa alak, kaya napagdesisyunan na sa bahay ko muna siya magpalipas ng gabi. tulad nga ng sabi ng ilan, kapag may alak, may balak.
ito ata yung sarap ng unang tikim. ang kaso lasing siya. hindi ko masabing nakilala talaga namin ang isa't isa noong mga panahong iyon. hindi ako gaanong nasiyahan. Kahit na ganoon, humarap ako sa salamin at nakita ang aking ngiti ng tagumpay. Matapos ang araw na iyon, sa totoo lang, hindi na uli kami nagkita ng personal.
ilang buwan ang lumipas at hinanap-hanap ko ang tunay na kaligayahan. Ilang "kaibigan" rin ang naisama ko sa kahon nang di gumagamit ng alak. gusto ko nga makita ang tunay na kulay ng bawat isinasama ko pero kahit na ganoon iba pa rin talaga yung unang tikim. iba yung sarap ng una pero parang wala yung saya dahil halos walang malay yung kasama ko eh. sa mga sumunod naman, ramdam ko yung saya pero wala yung sarap tulad noong una.
Sabihin na nating napadalas ang pagsama ng "kaibigan" sa kahon. Kung dati ay madalas nagsosolo ako, ngayon, lagi na akong may "kaibigan" para tulungan at pasiyahin ako. "kaibigang" tinutugunan ang pangangailangan ko.
at dahil nga napadalas ang pagsama ng mga "kaibigan", siyempre mapapansin ito ng mga tao sa paligid, ng mga tsismosang kapitbahay. sa tingin ko ay dahil din sa ingay ng ilan kong naiisasamang "kaibigan". hindi ko napapansin ang oras dahil nga walang bintana sa kwartong iyon. Hindi ko rin alam. maaari rin na sobrang napapadalas na nga. parang dati, ilang buwan pa bago ako may isama sa kahon. ngayon, halos linggo-linggo akong may isinasama maramdaman lang ang sarap na nadama ko doon sa una.
Noong una nakakausap ko pa ng matino yung mga tanod tuwing may nagrereklamong kapitbahay dahil sa ingay kapag gabi. Sasabihin ko lang na "nasarapan po, boss" sabay kindat at ngingiti lang yung tanod sabay apir at aalis na. Masasabi kong tuluyan lang na natapos ang lahat noong dumating na ang mga pulis na may dalang search warrant. hindi raw hiyaw ng sarap ang naririnig ng mga kapitbahay at ibang amoy na raw ang umaalingasaw mula sa bahay.
sa dinami-rami ng naisama ko sa kahon, iba pa rin talaga yung una. unang hiwa sa kanyang mga braso. unang saksak sa kanyang katawan. unang lasap ng dugo mula sa kanyang nahiwang labi. ang hindi ko lang nagustuhan noon ay halos wala siyang malay kaya't hindi ko nakita ang kanyang tunay na kulay.
sa mga sumunod nama'y ramdam ko ang kasiyahan. lumalabas ang kanilang tunay na kulay. handa silang gawin ang kahit na ano para lang hindi ko putulin ang kanilang mga daliri o gilitan sila sa leeg. ang saya dahil marunong silang magpumiglas at may malay sila dahil hindi sila lasing tulad nung una. ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit pumapayag silang magpatali sa akin sa pader kapag nakahubad na sila. pero kahit na ganoon, kahit anong putol ko sa mga braso o binti at kahit na gawin kong laman-labas ang mga laman-loob nila, hindi pa rin ako masarapan. oo masaya pero hindi kasing sarap noong una.
sa mga parte ng katawang nahanap sa bahay, hindi nila mahanap yung sa una. hindi ko rin maalala kung saan ko tinago o tinapon yung katawan. Kasabay non, hindi ko na muling nakita yung ako na nakangiting tagumpay sa salamin.
hindi pa rin ako nasasarapan. handa pa rin akong magsama ng ilan pang "kaibigan".