Saturday, July 27, 2013

Sa Likod ng Usok

Nakaupo nanaman sa isang sulok si Jay, tulala, mukhang lutang, at ang mata'y may kakaibang kombinasyon ng pagkamulat at pagkapikit.
"Ooh, walang tulooog!" sabi ni Dale sa kaibigan nang mapansing kakaiba nanaman ang kinikilos nito.
"Tara suntukan sa Espanya!" wala sa hulog na sabat ni Chris, ang bigotilyo.
Walang buhay na tingin ang inilapat ni Jay sa mga katropa. Hindi siya umimik at bumalik lang sa pagtitig sa kawalan.
"Ano bang gusto mo?" patuloy pa rin ang pangungulit ni Chris.

Ilang araw nang puyat o kaya naman ay walang tulog si Jay kakababad sa computer. Kaunting sulyap lang sa mga social networking sites at balik na uli sa pagpo-program para sa dalawang matinding project. Ang isa ay para sa thesis habang ang isa naman ay para sa Systems Engineering. Sa totoo lang ay hindi naman talaga niya alam kung kaya niya gawin ang mga pinapagawa sa kanyang program. Hindi na rin nga  niya maalala kung kung paano mag-program. Tiwala na lang sa sarili ang pinpapairal ni Jay kahit na nawawalan na ng pag-asa ang project leader ng grupo.
"Bahala na." bulong niya sa sarili.

Sa hapon pa naman ang klase kaya't ayos lang na matulog nang alas-otso ng  umaga at gumising nang ala-una ng tanghali para pumasok mamayang alas-tres para sa klase mamayang alas-singko. Papasok nanaman sa eskwelahan nang lutang at walang gana magklase. Ang tanghalian ay tila ba almusal dahil sa dalawang tasang kapenng pampagising sa tanghali at para manatiling gising hanggang mamayang alas-otso ng umaga uli.
"Bahal na." bulong niya sa sarili.

Isang sigarilyo at isang kendi muna bago pumasok. Sakto sa limang piso. Isang sigarilyo at isang kendi uli sa break at mamayang uwian. Naaaliw si Jay sa usok kaya't hindi alintana ang sakit ng ulo at mata dahil sa pagkapuyat.
"Mamamatay rin naman ako. Bahala na." bulong niya sa sarili.

Natapos na ang tatlong oras ng nakakabagot na discussion ng isang subject lang. pagkatapos ng break ay may dalawang oras pa ng panibagong nakakabagot at nakakatangang discussion.
"Kung papasok ka, wala ka rin namang maiintindihan eh. Wala rin namang attendance! Tara! cut na!" aya ni Miguel sa tropa.
"Kanina ko pa naiisip yun." sagot ni Jay.
"Ano? papasok ba?" sabi ni Chris.
"Flip coin."
"Pero eto, lahat tayo sasama ah?" aya ni Chris.
Walang kasiguraduhan ang iba.
"Jason. Heads papasok, tails magka-cut." sabi ni Jay.
Umikot sa ere ang limam-pisong barya. Sinalo ni Jason sa kaliwang kamay, inilapag naman sa kanang kamay. "Tails."
"Tara."

Sina Jay at Miguel lang ang natira sa paglalakad papuntang sakayan.
"Mga walang bayag yung mga yun." ani ni Miguel.
"Sanay na ako. Ge." sabay senyas naman sa isang jeep na paparating upang parahin ito.

Mag-isang umuwi si Jay. Naisip niyang mas ayos na iyon kaysa sa kasabay nanaman niya yung magugulong kaibigan na maiingay at tawa ng tawa subalit biglang tatahimik para pag-usapan ang seryosong bagay tapos tatawa nanaman na parang mga baliw.

Pagkababa ng FX na laging sinasakyan pauwi ay sumakay naman siya ng jeep papasok ng village. Naglakad pa siya sa madilim na tabing-ilog pagkababa ng jeep.
"Bahala na. Puro na lang bahala na." sabay hithit sa e-cig na lagi niyang baon-baon.
"lagi mong sinasabing 'bahala na' pero di ka naman naniniwala sa bathala."
"Naniniwala akong may Lumikha."
"iba ang bathala"
"Bakit ba kasi ito yung pinag-uusapan natin?"
"ewan ko sayo."
"Ikaw nagsimula eh." sabay hithit uli sa e-cig.
"ako pa ah. pero hindi ba? 'bahala na' lagi? paano kung sa iba naman?"
"Anong ibig mong sabihin?"
"alam mo na. wala ka na namang takot ngayon eh."
"Meron pa. Kontrolado ko lang."
"pero kaya mo na to."
"Sige." sabay hithit uli sa e-cig.

Di tulad ng dati, sa kwarto dumiretso si Jay para magkulong. Sa munti niyang kwarto na na walang laman kundi mga damit at isang salamin, nakabuo siya ng isang imahe. Sakripisyo na lang ang kulang.
"Wag muna ngayon. Konting tiis pa."
"sige."