Saturday, July 5, 2014

Xander

Sa ngayon, malabo na talaga para sa akin kung ano ang mga tunay na nagyayari at kung ano ang imahenasyon ko lang o panaginip. Madalas nagigising na lang ako na sobrang pagod pa rin, uhaw, at basang basa ng pawis na tila ba tumakbo ako sa isang fun run. Isang beses nga ay nagising ako na may galos sa dibdib. Sinabi ko na lang sa aking sarili na baka dahil nanggigil sa akin yung alaga kong aso habang tulog ako kaya may galos akong ganoon. Ewan ko.

Isa sa mga iniisip ko ay baka binabangungot lang talaga ako. Hindi maiiwasan iyon lalo na sa isang tulad kong "baliw". Masasabi kong madalas ay nasa katinuan naman ako pero di maiiwasan ang mga sandaling biglaan ko na lang maiisip ang ilan sa mga nakakatakot o nakakahiyang sandali sa buhay ko. Hindi ko mapigilang magsalita mag-isa kapag bumabalik ang ganoong mga alaala. Madalas ay napapasigaw pa ako sa kawalan habang kaaway ang mga boses na gumugulo sa utak ko. Kung dati pa sana nila sinabi sa akin ang mga dapat kong ginawa bago ako mapahiya, eh di sana hindi ako ginugulo ng mga alaalang iyon.

Hindi ko masabing malas ako dahil nasa dugo ko na talaga ito at buti na lang ay may kontrol pa ako sa sarili ko. Lahat kasi ng mga unang lalaking anak ng mga tita ko ay may down syndrome. Maswerte ako dahil wala ako pero malas dahil mukhang di pa rin ako nakaligtas.

Baka naman iniisip ko lang lahat ito at hindi ko lang matanggap na ako lang sa aming mga magpipinsan ang nass katinuan pa. Baka binibigyan ko lang ng katauhan ang boses sa utak ko.

Sa totoo lang, hindi naman talaga naging pahirap sa akin itong boses sa utak ko eh. Madalas nga ito pa ang gumagawa ng mga desisiyon para sa akin basta ba makakabuti ang gusto nito  at sinusunod niya ang mga prinsipyo ko sa buhay. Ang kinakatakot ko lang, baka sa mga susunod na taon o araw, ay ako na ang sumusunod sagusto nito.

Naalala ko ang unang beses na kinausap niya ako noong bata pa ako.
"sa mukha mo dapat patamaan."
Iyan ang unang beses na napaaway ako sa matatanda dahil sinuntok ko sa tagiliran ang isa sa anak niyang umaway sa kapatid ko. "putang ina mo."
"Putang ina mo."
At doon na tuluyang sinugod ang bahay namin ng kapitbahay.

Isa sa mga hindi ko makalimutang pangyayari ay noong bigla na lang akong tumakbo para iligtas ang isang babaeng muktik nang masagasaan ng trak habang tumatawid sa C5. 
"yung babae." Bulong niya sa akin at bigla na lang gumalaw ang aking katawan na parang bumagal ang lahat sa paligid ko. Naaalala ko pa rin ang busina ng truck habang rumaragasa patungo sa nanigas nang babae kahit na inaapakan na ang brake. Inertia. 
"bobo." Ika niya nang mapansing nanigas ang babaeng tumatawid.
Nakatawid nga ako at hinatak ko ang babae papunta sa gutter. Makakakita siguro ako ng taong roadkill kung sakaling hindi ko ginawa iyon. Namutla ang babae nang matauhan kung ano ang mga nangyari.
"alis, dali." bulong niya nang mapansing palapit na ang traffic enforccr at ang driver ng truck na  mura ng mura dahil sa nangyari.

Maraming beses na rin akong nakatulong dahil sa kanya-- mula sa taong muntik nang malaglag sa overpass hanggang sa pag"huli" sa isang snatcher. Hindi mga magagandang pangyayari.

Tulad nga ng sabi ng ilan, pareho lang sa pakiramdam ang pagsagip ng buhay at pagpatay para sa mga may sira ang ulong tulad ko. Hindi pa naman talaga ako nakakapatay, sa tingin ko.

Isa sa mga matinding gumagambala sa akin ay noong may snatcher na binuksan bigla ang shuttle na sinasakyan ko hinablot ang bag na hawak ng nasa likod ko. Nakakapit ang babae sa bag niya kaya hindi agad nakuha ng snatcher ang bag kaya siya naglabas ng baril at tinutok iyon sa babae. Mukhang hindi pansin ng babae ang baril kaya patuloy pa rin ito sa paghatak sa kanyang bag at mukhang sobrang determinado ng snatcher sa pag-agaw ng bag kaya di nito maiputok o maitutuok ng diretso ang baril. 
"isang kamay sa bag, isa sa baril." Alam ko na ang gagawin ko.
Habang nanigas ang lahat sa takot nagawa kong pangahan ang snatcher. Natigilan siya at napabitiw sa bag. "eto na."
Isang suntok sa tagiliran ang tumupi ang kanyang payat na katawan. Ramdam kong sumagad ang kamao ko sa atay niya. Hilig kong patamaan ang parteng iyon, walang butong makakabasag sa kamao ko. Tuluyan ko ring naagaw ang baril.
"baguhan ko, di pa marunong, bigyan mo ng isa sa tuhod."
Medyo sabog pa ako sa biglaang galaw kaya di ko napansin na may saksak na pala ako sa kaliwang tagiliran. Ang huli kong naalala ay pinaputukan ko siya sa hita pero sa tuhod pa rin tumama dahil na rin siguro sa biglaang panlalabo ng aking paningin. Hindi ako sanay sa dugo.
Nakita ko na lang ang aking sarili kinabukasan sa ospital na may tahi na sa tagiliran at kaharap ang isang nars at isang nagpakilalang pulis na hindi nakasuot ng uniporme. Lumabas ng kwarto ang nars.
"Pwede natin sabihing self-defense ang nangyari pero sobra naman ang ginawa mo... pero mukha namang walang pambayad sa attorney yung mga ganung tao kaya mapapalagpas natin yung ginawa mo." Sabi ng pulis.
"Po?" Hindi ko naintindihan ang nangyari.
"Yung ginawa mo."
"Nabigla lang po ako kaya ko siya binaril." 
"Baka binaril at inukitan?"
"inukitan." Sabay tawa na bigla na lang nagpasakit sa ulo ko.
"Inukitan?"
"Inukitan... ng pangalan mo."
"Po?" Naguluhan ako lalo kaya nilabas ng pulis ang kayang smartphone at pinakita sa akin ang picture ng lalaking nakahandusay, luhaan, naiiyak sa sakit, may tama ng baril sa tuhod, walang damit, at may ukit na "XANDER" sa tiyan.
"Ako si 'Alexander' pero 'Alex' po ang madalas ginagamit ko. Huli kong naaalala ay nung pinutok ko yung baril bago ako mawalan ng malay dahil siguro sa dugo. Ayaw ko ng dugo. Nahimatay nga ako nung nakita ko yung dugo eh"
"Pero ikaw daw yung nag-ukit nyan, sabi ng mga kasabay mo sa van. Nagulat nga sila at nandiri nung nakitang nilabas mo yung ballpen mo. Akala nila susulatan mo lang pero nung inukit mo na..." 
Di ako nakapagsalita. Ipinaliwanag ko na lang sa pulis ang lahat ng alam kong nangyari ngunit ayaw tallaga niyang maniwala na di ko alam ang mga nangyari.
"ako si Xander. ang kalahating ayaw mo." At iyona ang araw na nangyari ang kinakatakutan ko.

Dahil sa insidenteng iyon kaya sumikat ako sa mga social networking sites. Sinara ko ang aking mga account dahil tinagurian na aking baliw. Hindi na ako halos lumabas ng bahay at lagi na akong kinakausap ng doktor at mga pulis dahil sa aking utak.

Ilang buwan na ang lumulipas na walang insidente dahil madala ay nasa bahay na lang ako. Ilang buwan na rin akong minumulto ng mga nakakatakot na bangungot. Mula sa pakikipagsuntukan sa mga lasing sa kanto na pinag-iinitan ang kanilang anak hanggang sa mga holdaper sa bus na handang mamaril ng hostage. Hindi na ito tulad ng mga panaginip ko dati bilang isang superhero. Sa mga bangungot na ito, hindi ang makaligtas ang pakay ko, ang gusto ko rito ay makapanakit ng tao. Masasamang tao. Prinsipyo. Maglagay ng takot sa utak ng mga masasamang-loob. Mag-ukit ng pangalan ko sa tiyan ng mga masasamang loob. "Xander."

Sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung ano ang dapat kong gawin. Natatakot na ako. Hindi ko na alam kung ano ang totoo  at kung ano ang bangungot. Ako si "Alex" at hindi si "Xander".

Lagi kong nakikitang natuyong dugo ang ballpen ko.