Ilang masasayang buwan din ang lumipas bago uli ako nagkaganito,
Tulad ng ibang tipikal na love story, pareho kaming hindi perpekto. Pinakilala lang ng isang common friend sa isa't isa at mula doon tuluy-tuloy na ang suyuan at lambingan. Ilang buwan ng text, chat, usap sa telepono. Ako pa yung puyat kahit na pantanghali pa ang simula ng klase ko samantalang ang sa kanya'y sa umaga. Puyat at tigyawat ang inabot ko sa mukha dahil sa puyat gabi-gabi para lang makausap ko siya. Pinagpupuyatan niya ako. Pinaglalaanan niya ako ng oras.
Ito na uli ang isang parte ng buhay ko kung kailan masasabi kong ito ang tunay na ako. Nakakatuwang sabihin na lumalabas ang tunay na ako kapag kasama ko siya. Kumakalma ako at hindi ko na kailangan pang manigarilyo. Parang hindi ako. Miski ako nagugulat na kaya ko palang maglakas loob at kausapin siya. Maglakas loob na sabihing liligawan ko siya. Maglakas loob at hawakan ang kamay niya. Maglakas loob at sabihing mahal ko na siya.
Masyadong mabilis at hindi ko na nakontrol ang mga pangyayari. Parang nung isang araw kakakilala lang namin at simpleng biruan lang. Kilala pa naman ako ng mga kaibigan ko bilang isang dakilang torpe. Ngayon magkatabi kami dito sa sasakyan at magkayakap. Hindi pa kami. Walang kami.
Gustung-gusto ko tuwing tinititigan niya rin ako sa mata. Yung mga mata niyang nangungusap. Yung mga mata niyang mababakas kung ano ba talaga ang mga gusto niyang sabihin at kung ano talaga ang nararamdaman niya. May kakaibang sparkle ang kanyang mga mata. Kaya ko siyang titigan buong araw.
Nakakatuwa. Hindi ako to. Masasabi kong sa puntong ito medyo na-channel ko na ang aking "inner human". Wala eh, medyo baliw. Pero tuwing nakakausap ko siya nawawala ang topak ko. Tumatahimik ang mundo ko.
Naalala ko nanaman yung mga umagang tinatawagan niya ako para gisingin at marinig lang yung "bedroom voice" ko. Gustung-gusto niya yung malalim kong boses tuwing bagong gising. Yung boses kong medyo malayo sa matinis kong boses tuwing nangungulitt ako. Yung boses di ko alam na meron pala ako.
Ngayon, hindi ko alam bakit biglang ganito na kami. Ang lamig na niya.
Hindi ko raw siya kilala. Bakit hindi ko raw siya tanungin kung may gusto akong malaman tungkol sa kanya? Kung gusto ko magpatulong? Bakit ako umaasa sa internet sa mga bagay na pwede ko namang itanong.
Ito na yung problema kapag gusto niyo nang lumalim ang pagkakakilanlan niyo sa isa't isa.
Sabagay, sino ba naman ang nasa tamang pag-iisip na sagutin ang manliligaw niyang pathological liar? Lahat daw kasi ng sinasabi ko hindi totoo. Kasinungalingan at pambobola lang daw ang lumalabas sa aking bibig. Masama bang purihin siya? Masama bang sabihing siya na lang ang meron? Na sa kanya umiikot ang mundo ko?
Pareho naman kaming ayaw magkwento masyado pero ayun nga nagkwento ako sa kanya tungkol sa masalimuot kong nakaraan. Mga problema sa pamilya, pambubugbog, kabiguan sa pag-ibig. Madilim na nakaraan na ayaw kong balikan. Mga dahilan kung bakit ako pinalayas at nabubuhay mag-isa sa isa pa naming bahay kasama ang aking aso.Na puro lang kasinungalingan, ayon sa kanya.
At ayun nga, pinagkatiwalaan ko siya kaya ko kinuwento ang nakaraan ko. Ang lahat ng parte ng buhay ko kung bakit ako ganito. Mula sa lahat ng tinanggap kong "disiplina" upang tumino ako pati na rin sa "sakit" na dumadaloy sa dugo... Hindi siya naniwala. Sinungaling daw ako.
Hindi rin pala ako manliligaw. Hindi nga pala ako nagtanong kung maari ko ba siyang ligawan. Bigla ko na lang sinabi sa kanyang liligawan ko siya ng pabiro habang naglalakad pauwi sa kanila. Bastos.
Huling beses na magkasabay kami sa sasakyan pauwi ay noong Sabado lang ng nakaraang buwan. Gabi na kaya kahit may kaunting tampuhan ay nagpumilit pa rin akong ihatid ko siya sa kanila. At inaantok na siya. Sabi pa naman niya baka hindi raw siya makatulog dahil sa inilibre kong kape sa kanya bago kami umuwi.
Naalala ko tuloy yung unang beses niyang tumambay sa park dahil sa akin. Una niyang tikim sa Mogu-Mogu dahil sa akin. Una niyang halik dahil sa akin.
At nakasakay naman agad kami. Hindi siya yumakap sa akin ngayon. Mukhang ayaw na niya sa akin. Ilang linggo na rin kaming hindi nag-uusap eh. Wala daw siyang oras. Ayaw niyang nauubos ang oras niya sa mga bagay na walang kwenta, Ayaw niyang may hadlang dahil marami pa siyang pangarap. Marami pa siyang pangarap sa buhay.
Ilang minuto lang ay bigla na lang siyang nakatulog sa sasakyan. Baka manakit ang leeg niya kaya isinandal ko siya sa akin at iniayos tulad ng dati, nakayakap sa akin. Hindi siya nagising.
Matagal na rin yung huling beses na naramdaman ko yung mainit niyang yakap.
At dahil nga gabi na at hindi siya magising, minabuti ko nang sabihin sa driver na sa lugar ko na lang dumiretso. Una niyang punta sa bahay ko.
Ako naman lagi ang mali eh. Masyado ko siyang pinaglalaanan ng oras. Masyado ko siyang iniisip. Wala akong focus. Ayaw ko ba ng magandang kinabukasan?
Inihiga ko siya sa aking kama. Ang ingay ng alaga kong aso. Simula nung nag-away kami ang ingay na uli ng mundo ko. Inuutusan na uli nila ako. Tinanggal ko ang kanyang saplot, kinumutan, hinawakan.
Oo na, ako na ang presko. Ako na ang mayabang. Ako na ang wala sa ayos ang mga banat kaya sa susunod ko raw na makakarelasyon ay ayusin ko ang sarili ko at magpaturo na lang ako sa kanya kung paano suyuin silang mga babae. Hindi raw siya yung tipikal na babae. Kung sa tipikal ko raw ginawa yung "panliligaw" ko baka gumana pa.
Nandito siya't nakahiga sa aking kama. Nakatitig kami sa isa't isa. Mata sa mata. Yung nangungusap niyang mga mata. Kaya ko siya titigan buong araw. Maririnig na niya tuwing umaga yung tunog ng boses kong gustung-gusto niya...
...pero ang lamig na niya, hindi na siya gumalaw.
Matagal nang panahon ang lumipas noong huli kong naramdaman ang mainit niyang yakap.