Isang normal na araw nanaman.
Magsisimula ang klase nang alas-dose ng tanghali kaya kailangang umalis ng bahay nang bandang alas-diyes ng umaga para kahit paano ay makapahinga naman bago magsimula ang klase. Oo nga pala, kumain ako ng almusal para makainom ng vitamins at kahit paano makatambay ako sa España para makapagyosi at Cobra. Kailangan kong manatiling hyper para kahit paano ay mukha pa rin akong normal.
Normal, 'yung tipong walang mali sa akin. Unique pero dapat katulad dapat ako ng mga tao sa paligid ko. Bawal ako maging kakaiba dahil mahuhusgahan ako. Ayaw kong mahusgahan dahil takot ako. Takot ako dahil masakit ang mga maririnig ko mga salita. Masakit.
Bago magsimula ang klase, mukhang makakatambay muna sa labas ng room. 20 minutes pa bago magsimula ang klase.
May dapat ba akong sabihin sa taong ito?
May katuturan ba?
Walang dapat sabihin, wala akong maiisip na matinong sabihin.
Kahit ganoon, tropa/ kaibigan ko to eh. Kahit ano na lang siguro.
Diyan magsisimula ang buong araw na tawanan. Asaran at kwentuhan tungkol sa mga nangyari noong mga nakalipas na araw. Wala nang bagong jokes o kaya pang-asar. Tara, pansinin natin uli ang bigote. Baka may bago tayong maisip.
Tumunog na ang chime, nakakairita. Siguro aabot din ng tatlumpung segundo ang tunog ng chime na iyon. Sobrang agaw atensyon. Mapapatigil ka sa pagkukwento dahil panigurado di ka maririnig ng kausap mo lalo na kung di kayo magkatabi.
5 minutes before class. Oras na para pumunta sa "washroom". Ayaw ko kasing lumalabas ng classroom habang may klase para lang pumunta sa CR. Siyempre mag-aaya ng kasama, may kasabay pang turo, para magkalinawan na sa "washroom" nga ang punta ng tropa.
Hindi ko rin alam kung bakit sanay silang nagsasama pa ng ibang tao sa pagpunta sa CR. May ilan akong teyorya tungkol dito:
1. Ayaw lang talaga humiwalay sa tropa.
2. Nag-aaya dahil baka naiihi din ang ibang tropa, sabihin pang selfish siya kasi di man lang nang-anyaya.
3. Baka biglang may makabunggo at suntukan agad. Handa ang resbak.
4. Baka may multo, takot ako, samahan niyo ako.
Alin man dito ang dahilan ay nakakairita pa rin-- pero ako mismo sinasama ko ang isa sa tropa. Hindi dahil ayaw kong maiwan o kailangan ko ng resbak o takot ako. Doon lang kami nakakapagkwentuhan ng mga bagay sa paligid na hindi napapansin ng iba pa. Doon lang din kami nakakabuo ng bagong jokes o kung anumang kagaguhan ang maisip namin. Ang pangit, sa CR talaga? Hindi, minsan talaga humihiwalay kami dahil hindi lahat makasabay sa trip.
Simula na ng klase. Nandito nanaman sa harap ko ang prof na sobrang time-pressured. Mag-aaksaya kami ng halos kinse minutos para walang problema sa attendance pero mamadaliin niya ang lesson kasi sayang ang oras.
Dapat ko bang pakinggan to?
Nakakasabay ka ba? o mas malupit kong tanong, nakikita mo pa ba ang nakasulat sa board?
Sakit sa mata ng projector no?
Oo nga eh. Ang likot. Ang sakit sa mata.
Lagpas isang taon na pala tong salamin ko. Dapat kasi tuwing October nagpapapalit na ako ng grado ng salamin. Taun-taon kasi lumalabo ang mga mata ng nasa 100 na grado. Lumalala pa ata ang astigmatism ko. Ilang taon na lang siguro mabubulag na din ako. Magastos magpa-lasik. Magastos magpaopera. Siguro pagka-graduate ko magkakatrabaho na agad ako at yayaman agad. Doon ko lang mabibili ang lahat ng gusto ko. Doon ko lang mapapaayos ang lahat ng sira sa mukha ko. Sa mukha kong hindi ko maiharap kahit kanino.
Kahit anong uri ata ng sabon, panghilamos, o cream para sa mukha ang gamitin ko ay walang silbi. Ganyan na yan. Sabihin na nating hindi ako ang pinakamalubha pero wala pa ring papatol sa ganitong uri ng mukha. Sakto lang. Hindi ko maintindihan kung ano ang ibigsabihin nila sa "sakto lang".
Siguro kulang lang ako sa kapal ng mukha? Paano magkakaroon ng kapal ng mukha kung lumaki nang nakakulong sa apat na sulok ng tahanan na tuwing may kakaibang gagawin ay pinapahiya at nasasabihang wala namang saysay ang pinaggagagawa.
Ayos, break time na pala.
May natutunan ka? May naintindihan ka? May naalala ka?
Hmm. Wala. Meron ata.
May paggagamitan ba ako nito?
Meron ata. Sa prelims?
Aaralin mo sa bahay?
Shotgun na sa test.
Kalimutan ang lahat nang ni-lesson.
Gusto kong kumain ng pares. Kahit hindi talaga lasang pares ay pares pa rin iyon at sulit na para sa P35.00 na gastos. Dagdagan mo pa ng P5.00 may buko juice ka na. Dagdagan mo pa ng P6.00 may Marlboro Black at Clorets ka na. P10.00 para sa isang piyaya pero dalawa binibili ko dahil nakakahiya ang isa.
Ayaw nila doon, tara, sa Dapitan na lang tayo. Almer's? Liempo? Tara, Liempo. Sige Almer's. Ang labo!
Basta ang gusto ko, pares lang. hindi ko nga maintindihan kung ano ba talaga iyon. Sguro kulang lang sa pampatamis at anise? Nakakatuwa dahil ngayon may tinda na rin si kuya na sisig. Ulo ng baboy ata yun kaya ang sarap. Maanghang pa kaya sulit, beer na lang ang kailangan. Siguro kung hapon na agad, masarap uminom dito lalo na kung 'yung sisig na iyon ang pulutan. Sapat na 'yun para lunurin lahat ng problema ko sa buhay.
Problema ba 'yun? Baka depression lang.
Depression eh lagi kang masaya! Kailan ka ba na-depress.
Idaan sa yosi. Hithitin ang lason, ibuga ang usok ng lason kasama ang lahat ng hinanakit mo upang maging mas nakakamatay. Siguraduhing kapag naninigarilyo ay hindi lang ikaw ang nakakalanghap ng usok. Lasunin ang iba pang tao sa paligid upang maramdaman ang paghihirap na pilit mong ibinubuga.
May isang class nanaman, tapos break uli ng isang oras. Pagkatapos ng break ay panibagong class na tatlong oras. Boring. Tara, cut! Wag.
Tutulala nanaman sa whiteboard na hindi ko mabasa ang mga nakasulat dahil nasa dulo ako. Hindi ko rin matitigan nang matagal ang nasa projector dahil masakit sa mata. Solusyon, kulitin ang katabi. Ang kaso ay mukhang seryoso siya. Siguro titingnan ko na lang ang lahat ng kaklase ko habang nakikinig sa prof.
May tulalang nakanganga.
May mga sabik maintindihan ang lecture.
May naglalaro sa iPhone.
May nangungulangot.
Natapos ang klase. Nakapakinig naman ako pero wala rin eh. Memorize at naiintindihan ko ang steps! Walang silbi yan sa quiz at test. Ulol ka.
Tara shot, break naman eh. Shot dahil shot ng Cobra o anumang softdrinks ang mabibili sa bangketa pero isang bote. Marlboro Black, Clorets. Cobra Smart. Kumpleto ang solid, liquid, at gas sa akin. Ayos din itong kariton nina ate ah. May tulog sa ilalim. Ang mga paninda ay katulad din ng mga paninda ng ibang branch nila sa iba't ibang gate sa España. Franchise ata talaga sila eh. Tara na, tama na tambay dahil baka makaisang stick pa ako eh. Washroom muna.
Tatlong oras ng klase. Tatlong oras ng kulitan, gaguhan, ef-yu-han, at paggawa ng activities na hindi maintindihan. Hindi ko malaman kung bakit pa ako nag-aral. Siguro kung magtrabaho na lang ako at walang pinag-aralan tulad ng mga kakilala ko, mapapadali pa ang buhay namin. Lahat ng tao ngayon gusto maging office worker samantalang nandito ako at gusto maging trabahador sa isdaan. Malansa ngunit napakalaki ng tulong sa ekonomiya ng bansa. Gusto ko maging tulad ng tatay ko. Walang pinag-aralan pero puno ng tiyaga at diskarte. Dinaig pa ang mga nag-aral sa universty belt na ngayon ay under niya na lang.
Hindi ko pa rin maisip kung saan ako mapupunta pagkatapos nito. Paano pa kaya kung hindi ko ito matapos? Magiging office worker na rin ba ako tulad ng ibang tao na mas mababa pa ang kinikita kaysa sa sa kinikita ng tatay ko sa malansa niyang trabaho? Magtatapos ako sa university para lang makakuha ng munting salapi? Hangga't maaari dapat ang sweldo ko lamang pa sa binabayad ko sa university kada semestre. Hindi ko pa rin matanggap ang katotohanang nagpapakahirap ako sa pag-aaral para maging alipin.
Alas-nuebe na ng gabi. Uwian na pero hindi pa makakasakay ng jeep. Kailangan pa naming ihatid ang kaibigan naming babae sa dorm niya kahit di hamak na mas gala pa siya kaysa sa akin. Ayos lang, gusto ko rin naman maglakad-lakad kahit paano kasi umaasa pa akong makita kong yung crush ko sa Women's Volleyball Team.
Kung makita mo siya, tatawagin mo siya?
Hindi, nakakahiya.
Kala ko ba plano mong magpapicture?
Wala akong camera. 2mp lang camera ko sa phone.
Ano plano mo?
Titingnan lang siya.
Hanggang tingin na lang lagi. Naghihintay at umaasang may makasabay na chix sa jeep o FX pero hanggang tingin na lang. Katabi na nga, nahihiya pang lingunin. Kaharap na nga, umiiwas pa ng tingin at umaasta pang gago. Nagkatinginan na nga, hindi pa ngumiti. Makapagyosi na nga lang pagbaba ko dito sa FX.